Abono: Suspend 12 % VAT, excise tax 

PARA MATULUNGAN ANG MAGSASAKA

Nasa mahigit P74,000 ang kailangan ng magsasaka para makapagtanim ng palay o mais kaya hinihiling ng Abono Party List sa gobyerno na i-reconsider ang suspension ng 12% VAT at excise tax ng tatlong buwan.

Ayon kay Abono Party List Chairman Rosendo So, malaking problema ng magsasaka ang gagastusin ngayon taniman ng March, April at May. Ito ay dahil hindi nalulutas ng gobyerno ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pataba lalo na ngayon tag-init kung saan mas kailangan ng patubig mula sa mga water pump.

“Kausap natin ang mga rice farmers at corn farmers na nag-iisip na huminto muna. Kasi, kung ngayon ka magtatanim, wala naman masyadong tubig… kailangan mo ng water pump. Eh up to June pa bago mag tag-ulan,” sabi ni So sa interview ng Radyo Pilipino.

Sabi ni So na kailangan ng 600 liters ng diesel para patakbuhin ang water pump na magpapatubig sa taniman dahil hindi pa tag-ulan.

“Kung ngayon ka magtanim, etong March, April, May ay gagamit ka ng 600 liters  na diesel para mag-pump ng tubig para dun sa area ng corn. At sa rice, halos ganoon din… baka mas malaki pa yun sa rice,” ayon kay So.

Kailangan ng magsasaka ng hindi bababa sa P74,000 na pang gastos kung magtatanim sila ngayon ng mais o palay.

“Kung bukas, aakyat ng P8 per liter ng diesel… P74 per liter na. Kung P74 per liter sa 600 liters… P44,400 na yun. Krudo pa lang yun. Tapos yun fertilizer pag i-apply mo, kung sa isang ektarya… sampo na minimum number of bags. Eh almost P30,000 na yun. So, etong dalawa pa lang P74,400 na. Plus yun labor at saka iba pa,” lahad ni So.

Dahil sa bigat ng gagastusin, nag-iisip ang mga magsasaka na huminto muna.

“Kaya ang iniisip ng mga magsasaka, mukhang mahirap magtanim at baka huminto na lang muna dahil sa laki ng gastusin,” sabi ni So.

Hindi pabor ang gobyerno sa hiling ng magsasaka na suspindihin ang 12% VAT at excise tax.

“Eh ayaw pang makinig ng ating gobyerno na i-suspinde muna yun 12% VAT at saka etong excise tax (sa langis),” sabi ni So.

Ayon kay So, malaki ang shortfall sa production ng palay ngayon at hindi puede na i-import ang nasabing kakulangan.

Sabi ng DA na 92% ang local production pero ang nakikita ng Abono Party List ay nasa 85% lang ang local production.

“Yun pagkain natin, may problema. Hindi naman natin mai-import ito dahil sinabi ng DA (Department of Agriculture) na 92% ang production natin pero ang nakikita natin ay sabihin na natin na 86% ang local production. Kung ganoon ay hindi naman natin puede i-import yun ganoon kalaki na stocks. Kaya malala ang problema natin,” dagdag ni So.

Inuulit ni So ang kahilingan na i-suspend ng tatlong buwan ang 12% value added tax at excise tax sa fuel dahil nasa 55% na ang bahagi ng fuel sa total cost of production.

“Nakikita natin na sa cost of production, umabot na sa 55% ng gastusin ay nasa fuel… kaya inaano natin sa gobyerno, we hope na i-reconsider nila etong suspindihin na yun 12% VAT at excise tax na maski tatlong buwan lang.

Sabi ni So na hindi solusyon ang pagtaas ng sahod dahil ipapataw din ng mga manufacturer sa produkto ang dagdag gastos. At sa dagdag presyo din mapupunta yun dagdag sahod. Balik zero.

“Kapag tumaas yan (sweldo), domino effect yan. Syempre yun manufacturer kung tumaas yun labor cost, ipapataw din sa presyo ng produkto. Yun consumer bibili sa mas mataas na presyo. Hindi makakabuti yan sa ekonomy, tataas ang inflation (rate). Babalik na naman tayo sa zero,” ayon kay So.

Sinabi ni So walang malaking impact na yun P3,000 subsidy sa fertilizer ng mga magsasaka at yun P500 M na fuel subsidy sa corn farmers at fisherfolk.

“Yun subsidy nila dati sa pataba, yun P3,000 eh ang presyo ng pataba is P850 lang. Kung P3,000 at least makakabili ng apat na kaban. Eh ngayon ang presyo is almost P2,950 isang kaban. So, yun P3,000 na ibibigay ng gobyerno, isang kaban na lang di ba?,” sabi ni So.

“Itong fuel subsidy, ang ibinigay lang is P500 M para doon sa sektor ng nagmamais at saka etong mga fisherfolk. Kung sa P3,000 (per beneficiary) na sinasabi nila… 166,000 lang na magsasaka (at fisherfolk) ang nakinabang. Eh ang total na magsasaka ay nasa 12 million. So walang impact yun. Walang kuwenta yun ibinigay nila kasi hindi naka-impluwensiya dun sa presyo ng majority ng ng mga produkto ng magsasak sa production nila,” dagdag ni So.

Ayon kay So, tanging suspension lang ng 12% VAT at excise tax ang solusyon sa patuloy na pagtaas ng fuel at government subsidy naman sa pataba ang kailangan ng magsasaka.

“Yun sa langis, at least, puede natin (galawin) sa 12% VAT at excise tax. Pero yun sa pataba, wala nang mababawasan. Yun parating na galing sa Malaysia, sa Indonesia or galing sa ASEAN ay wala nang taripa. Wala nang mababawasan. Eto talaga eh subsidy ang kailangan, dagdag ni So.

Leave a comment