Chiz: Repeal Oil Deregulation Law

Ire-repeal ni former Senator Chiz Escudero ang Oil Deregulation Law dahil hindi natupad ang pangako ng nasabing batas na ibababa nito ang presyo ng petrolyo.

“Layunin ko po sa pagbabalik ko sa Senado i-repeal ang Oil Deregulation Law. Hindi ‘yan tumupad sa kanyang pangako na nagsabing papababain ang presyo ng produktong petrolyo. Ito na, Deo, ang pinakamataas na presyo mula nung ako’y ipinanganak siguro ikaw rin na nakita natin kaugnay ng diesel at gasolina,” sagot ni Escudero kay Deo Macalma ng DZRH kung paano mabibigyan ng solusyon ang tuloy tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at ang kawalang kapangyarihan ng mga jeepney driver na magtaas ng presyo ng pamasahe.

Idiniin ni Escudero ang katotohanan na ang deregulation sa industriya ng langis ay hindi tumupad sa pangakong mas mababang presyo ng gasolina.

Inilarawan ni Escudero na ang mayayamang may-ari ng gasolinahan ay puedeng magtaas ng presyo ng gasolina, anytime, na hindi na kailangan ng permiso sa gobyerno.

“Hindi tumupad. At maliban dun saan ka ba naman Deo nakakita ng batas na ‘yung mayamang may-ari ng gasolinahan puwedeng magtaas ng presyo kahit kailan niya gusto?” dismayadong pahayag ni Escudero.

Kabaligtaran naman ang kalagayan ng mahihirap na driver ng mga public utility vehicles, ayon kay Escudero, na kailangan munang humingi ng approval mula sa gobyerno bago makapagtaas ng presyo.

“Samantalang yung pobreng tsuper ng jeepney, ng tricycle, ng pampublikong sasakyan hindi siya puwedeng magtaas ng singil sa pamasahe ng hindi muna pinapayagan o nagpapaalam sa LTFRB o LGU,” pagkumpara ni Escudero.

Disymayado si Escudero dahil mas pabor sa mayaman Oil Deregulation Law kesa mahirap.

“Hindi ba dapat kung puwede ang mayaman, mas puwede ‘yung mahirap. Hindi ba dapat kung bawal ang mahirap, mas bawal ang mayaman. Ika nga sa kasabihan sa prinsipyo sa batas, “those who have less in life should have more in law,” sabi ni Escudero. 

Leave a comment