Tatlong bayan ng Pangasinan, hotspot sa  May election

Tatlong bayan ang itinurong election hotspot sa  lalawigan – Sual, Urbiztondo at Sto Tomas, Pangasinan.

Ayon kay Pangasinan Police Provincial Director, Police Colonel Richmond Tadina, batay lamang ito sa statistical data ng mga nangyari sa mga nabanggit na bayan noong nakalipas na dalawang eleksyon.

Sabi ni Tadina, may mga hakbang silang ginagawa upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari noong nakalipas na 2016 at 2019 elections.

Nagkakaroon umano ng lingguhan pagtatasa upang malaman kung may pagbabago na sa  kategorya.

Sa ngayon, hindi pa nag-upgrade ang kategorya.

Samantala, mahigit na 600 bike enthusiasts  ang nakilahok sa PADYAKAN sa PRO1 Pangasinan Leg noong April 2.

Ayon kay Tadina, programa ito ng Regional Director ng police,  na layong  isulong ang Safe, Accurate, Free and Fair Election 2022.

Hinihikayat  ng Padyakan ang mga bikers club, government agencies, kasama ang Comelec nang sa gayon magkaisa upang ipakita ang suporta para sa tahimik at maayos na eleksyon sa lalawigan ng Pangasinan.

Panawagan ng provincial director sa mga kandidato sa lokal at national election na obserbahan pa rin ang minimum public health standard sa kanilang pangangampanya at sumunod sa mga alituntunin ng COMELEC nang sa gayon  walang magiging problema sa lalawigan.

TEKA MUNA

SUSAN V. YADAO

Mga natatanging babae sa Tercero Distrito

Lumutang ang kinang ng mga natatanging kababaihan sa Tercero Distrito ng Pangasinan na nais manungkulan dahil bukod sa magaganda, matatalino ay mahuhusay  at maasahan pa.

Una, si dating Congresswoman at MTRCB Chairperson Rachel Arenas, na nagbabalik at tumatakbong muli bilang kinatawan ng Tercero Distrito. Ang Rachel Arenas na nakilala natin noon mahigit sampung taon na ang nakalipas ay Rachel Arenas pa rin hanggang ngayon, hindi nagbago, mabait , humble at madaling lapitan. Totoong totoo siya!

Pangalawa, si  Mamilyn ‘Maya’ Caramat, Liga ng mga Barangay President sa Calasiao na  matunog ang pangalan bilang kandidato para alkalde sa bayan ng Calasiao, na bahagi rin ng Tercero Distrito.

Pangatlo, si Nina Jose-Quiambao na tumatakbong mayor sa Bayan ng Bayambang na bahagi rin ng Tercero Distrito.

Si Nina ay asawa ng kasalukuyang mayor ng Bayambang na si Mayor Cesar Quiambao, isang bilyonaryo at kinikilalang Godfather ng Team AGUILA o Alyansang Guico-Lambino at ng mga kaalyado nito.

Sa isinagawang Proclamation Rally ng Team AGUILA at Team Quiambao-Sabangan, noong Marso 25, 2022 sa St. Vincent Ferrer Park,  pormal na iprinoklama ni Mayor Quiambao, ang kaniyang asawang si Nina na kandidato bilang mayor sa Bayambang.

Ramdam sa message ni Mayora Nina  ang naguumapaw na excitement at sinseridad na makapagsilbi sa kaniyang mga kababayang Bayambangenyo.  Ito ay hindi na bago sa kaniya, dahil mula nang maging mayor ang kaniyang asawa ay aktibo siyang lumalahok sa mga aktibidad  lalo na sa mga proyekto na may kinalaman sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

Sabi nga ni Mayora Nina, may mga nagulat at nagduda nang magfile siya ng kaniyng kandidatura at sa bawat tanong sa kaniya kung bakit siya tumatakbong mayor, iisa lang ang sagot niya, Bakit hindi?  Ang totoo, dahil mahal niya ang bayan ng Bayambang lalo na ang mga Bayambangenyos.

Narito ang ilan sa mga inilatag niyang plataporma: good governance. Sa nakalipas na limang taong panunungkulan ni Mayor Cesar Quiambao, tinanggal niya ang korapsyon sa LGU.

Kitang kita naman daw kung saan napupunta ang kanilang buwis. Umunlad ang kanilang bayan  at mas lalo umano niya itong pauunlarin.

Edukasyon. Bubuksan na sa buwan ng Agosto ang Bayambang Polytechnic University, na-inspire sila sa proyekto ni Cong Monmon Guico sa Binalonan, na mayroong sariling unibersidad ang LGU.

Abong na Aro. Ipinagmalaki ni Ginang Quiambao ang itinayo nilang  House of Love na nagha-house sa mga kababaihang inaabuso.

Pero teka muna, marami pa siyang binanggit na mga programa, pero tiniyak nito na napakadaling kamtan ng lahat kung sama sama at nagkakaisa, dahil nakasisiguro siyang sabay sabay din lilipad patungo sa mas maunlad na lalawigan ng Pangasinan.

Leave a comment